Bloke-bloke ng cocaine nasabat sa dagat
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad kasunod ng pagkakasabat sa 88 bloke ng cocaine na nagkakahalaga ng P500 milyon sa karagatan ng Cagdianao, Dinagat Islands sa CARAGA Region.
Ayon kay CARAGA Police Director P/Chief Supt. Gilbert Cruz, unang nasabat ang 48 bloke ng cocaine na inireport ng mangingisdang si Gonie Curada sa Cagdianao Municipal Police Station sa Dinagat Islands.
Bandang ?5:30 ng hapon noong Pebrero 12 nang makita ng nasabing mangingisda ang mga cocaine na nakalutang sa dagat.
Agad dinala ang nasabing kontrabando sa tanggapan ng Regional Crime Laboratory ng Police Regional Office 13 sa Butuan City na napag-alamang isang uri ng high grade cocaine.
Noong Pebreo 11 ay natagpuan naman sa karagatan ng Brgy. Sula, Vinzons, Camarines Norte ang dalawang bloke ng cocaine.
Sa follow-up operations nitong Biyernes sumunod na narekober ang 40 pang bloke ng cocaine sa karagatan ng Brgy. San Isidro, Siargao Islands na may markings ng Bugatti.
Inihayag ng opisyal na ang modus operandi ng sindikato ay ilubog sa dagat ang cocaine, may diver na sisisid dito kung saan may Global Positioning System (GPS) na nakakabit dito.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni PNP Spokesman P/Sr. Supt Bernard Banac ang nasabing mangingisda.
Samantala, patuloy na sinusuyod ng mga awtoridad ang karatig na lugar sa Siargao Islands sa posibilidad na may marekober pang bulto ng cocaine sa lugar.
- Latest