Kalahati ng mga Pilipino masaya ang love life
MANILA, Philippines — Kalahati ng mga mamamayang Pilipino ang masaya sa kanilang buhay-pag-ibig, ayon sa bagong survey ng Social Weather Station.
Isinagawa ang survey noong Disyembre 16-19, 2018 at ipinalabas ang resulta kahapon na Araw ng mga Puso.
Sa mga sinaklaw ng survey, 51 porsiyento ng mga adult Filipino ang nagsabing “masayang-masaya” sila sa kanilang love life habang 14 na porsiyento ang nagpahayag na wala silang love life.
Halos apat sa 10 Pilipino o 36 na porsiyento ang nagwikang maaaring mas masaya ang kanilang buhay-pag-ibig.
Gayunman, bumaba nang 57 porsiyento mula noong 2017 ang mga Pilipinong merong masayang relasyon. Ang mga nagsabing maaring mas masaya ito ay tumaas mula sa 29 porsiyento habang ang mga walang love life ay nanatili sa 14 na porsiyento.
Sa pangkalahatan, kalahati ng kalalakihan (53 porsiyento) at kababaihan (50 porsiyento) ay nagsabing meron silang napakasayang buhay-pag-ibig.
Sa mga kalalakihan, ang proportion ng mga masayang-masaya sa kanilang love life ay ay napakataas sa mga kasal na sa tantos na 64% kasunod ang mga may live-in partner sa 44 % at sa mga single ay 31%.
Sa kababaihan, napakataas nito sa mga kasal na sa 59% kasunod ang mga may live-in partner sa 56% at yaong mga single sa 20%.
Ang proportion ng mga walang love life ay napakataas sa mga dalaga sa 59% kumpara sa katapat nilang mga binata na 43%, ayon sa SWS.
Isang porsiyento ng sample ng mga married adult at ng mga may live-in partner ang nagsabing wala silang love life.
Lumitaw din sa survey na 50% ng mga adult Filipino ay naniniwalang malaking usapin ang edad sa mga relasyon habang 41% ang hindi sang-ayon dito.
- Latest