Pagbababa ng age of criminal liability pasado sa ika-3 pagbasa ng Kamara

Protesta sa tapat ng Senado sa Maynila laban sa pagbababa ng minimum age of criminal responsibility sa 12-anyos.

MANILA, Philippines — Lusot na sa ikatlo at huling pagdinig ng House of Representatives ang panukalang batas na magbababa sa minimum age of criminal responsibility mula 15 pababang 12-anyos.

Naipasa ang kontrobersyal na House Bill 8858 sa Kamara sa botong 144-34 pabor sa pagpapatupad nito.

Layon nitong amyendahan ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Sa ilalim nito, isasailalim ang mga batang 12 taong gulang ngunit mas bata sa 18 sa mga Bahay Pag-asa kung mapatutunayang lumabag sa batas.

Sa panukala, direktang itatatag, popondohan, at pamamahalaan na ng Department of Social Welfare ang mga nasabing institusyon na noo'y nakapasailalim sa mga lokal na gobyerno.

Hindi naman ito nagustuhan ng grupong League of Filipino Students at tinawag na walang puso ang supermajority ng Kongreso.

"Whether it be 9 years old or 12 years old, as long as this government deems a child's minor age as deserving of criminal charges rather than rehabilitation, the future of the Filipino youth becomes unforgiving," ayon sa pambansang tagapagsalita ng LFS na si Kara Taggaoa.

(Mapa-siyam o 12 taong gulang pa 'yan, hangga't tinitignan ng gobyerno na dapat mapanagot sa batas ang mga menor de edad kaysa i-rehabilita, mananatiling hindi mapagpatawad ang hinaharap ng kabataang Pilipino.)

Hindi rin naging ligtas ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mata ng mga militanteng kabataan.

Ani Taggaoa, mas malala pa sa preso ng matatanda ang ilang Bahay Pag-asa dahil sa kakulangan ng pondo na susuporta sa pagkain, damit at gamot ng mga mapipiit.

"This is nothing but an extension of Duterte's flagship war on drugs — victimizing innocent children to project that his goons are doing something remarkable for this country," dagdag niya.

(Pagpapalawig lang ito ng gera kontra droga ng rehimeng Duterte — binibiktima ang mga paslit upang kunwari'y may ginagawang mabuti sa bansa ang kanyang mga alipores.)

Giit ng grupo, mas nararapat makalaboso ang mga kaalyado ni Duterte gaya nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, mga Marcos, sindikato't oligarko.

"They are the ones who deserve to rot in jail and suffer from the people's verdict. That is what actual, real justice should be."

(Sila ang dapat mabulok sa loob ng rehas at managot sa hatol ng taumbayan. Ganoon dapat ang itsura ng katarungan.)

Show comments