MANILA, Philippines — Daan-daang checkpoints at chokepoints ang inilatag na ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa, bilang bahagi ng ipatutupad nilang seguridad para sa May 13 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay PNP chief P/Director General Oscar Albayalde, ang mga checkpoints ay itinayo sa mga istratehikong lugar sa iba’t ibang panig ng bansa simula hatinggabi ng Enero 13, kasabay nang pagsisimula ng election period.
Layunin nang kautusan niyang paglalagay ng checkpoints na masabat at makumpiska ang mga baril, pampasabog at iba pang instrumento ng karahasan, na mahigpit na ipinagbabawal sa gun ban na magsisimula na ring umiral ngayong araw.
Awtomatiko rin na kanselado ang mga inisyung permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) kaya’t hindi na maaaring magdala ng mga armas sa labas ng tahanan, maliban sa mga mabibigyan ng gun ban exemptions.
Bawal na rin ang paggamit ng mga kandidato ng security personnel at bodyguards maliban na lamang kung binigyan sila ng pahintulot ng Comelec.
Nagpalabas na ng memorandum si Albayalde sa lahat ng police commanders sa bansa para sa pagtatayo ng checkpoints sa kani-kanilang nasasakupan, sa pakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) at mga territorial unit ng AFP.
Ipinaliwanag naman ni Comelec spokesman James Jimenez na gaya ng normal na checkpoint, hindi obligado ang mga motorista na buksan ang kanilang mga sasakyan.
Dapat ay maliwanag, binabantayan ng mga unipormadong pulis at mayroon dapat impormasyong nakapaskil gaya ng contact number at pangalan ng pulis at election officer na in-charge sa lugar.
Dapat din aniyang sundin ng mga awtoridad ang “plain-view doctrine” sa pagsasagawa ng checkpoint.
“They can look but they should not touch,” ani Jimenez.
Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang campaign period para sa senatorial aspirants ay magsisimula sa Pebrero 12 habang Marso 30 naman maaaring magsimula ang mga kandidato para sa lokal na halalan.
Magtatagal ang election period hanggang Hunyo 12, 2019, na siya ring deadline para sa paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato, nanalo man sila o natalo sa eleksyon.