MANILA, Philippines — Na-feature sa "2018 in review" ng international wire agency na Reuters ang paghalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang Pinay sa kanyang pagbisita sa South Korea, Hunyo noong nakaraang taon.
2018 in review: Philippines’ Duterte stirs controversy by kissing woman on the lips pic.twitter.com/5Ad9GoYjCQ
— Reuters Top News (@Reuters) January 1, 2019
Maaalalang umani ito ng batikos sa iba't ibang grupo gaya ng Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan.
Tinawag naman itong "showbiz" ng pangulo at sinabing wala itong malisya. Aminado naman si Digong na nag-"enjoy" siya rito.
"We enjoyed it (kissing). It was showbiz and everybody enjoyed it. I do not do it in public if there is malice (Nasiyahan kami. Showbiz lang 'yan at nag-enjoy naman ang lahat. Hindi ko 'yan ginagawa sa publiko kung may malisya)," ani ng pangulo.
Ipinagtanggol naman ng Pinay, na may asawang Koreano at dalawang anak, ang halik at sinabing "pampakilig sa audience" ang nangyari.
"Yung kiss, twist lang ‘yun. Pampakilig sa audience. Walang ibig sabihin ‘yun. Promise. Walang ibig sabihin sa akin, sa kanya," ayon sa Pinay.
Matapos ang insidente, makikitang tinanggal ng RTVM sa kanilang opisyal na Youtube channel ang aktwal na footage ng paghalik.