MANILA, Philippines — Bahagyang nag-ibayo ang bagyong si Usman habang patuloy itong kumikilos nang pakanluran-hilagang kanluran.
Ito ang nabatid hanggang kahapon ng umaga kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration weather specialist Aldczar Aurelio na naggiit na ang tropical depression ay inaasahang lalong mag-iibayo bago ito bumuhos sa Eastern Samar sa Biyernes.
“Inaasahan nating lalakas pa ang bagyong Usman bago mag-landfall sa Eastern Samar sa Friday,” sabi ni Aurelio sa isang panayam sa dzBB.
Sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na sa kasalukuyan ay walang direktong epekto si “Usman” sa alinmang bahagi ng bansa. Habang isinusulat ito ay walang itinataas na tropical cyclone warning signal.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaaring itaas ang Signal No. 1 sa Eastern Visayas at northern Caraga kagabi o ngayong Huwebes ng umaga.
Ayon pa sa PAGASA, inaasahang ngayong Huwebes ay magiging maulan (mula katamtaman hanggang malakas) sa Bicol, Eastern Visayas, Surigao del Norte at Dinagat Islands.