MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na hindi makatitikim ng pardon ang sinumang alagad ng batas na napatunayang guilty sa sadyang pagpatay ng mga sibilyan.
Reaksyon ito ng Palasyo makaraang maglabas ng conviction verdict ang Caloocan Regional Trial Court Branch 125 laban sa tatlong pulis-Caloocan na sangkot sa pagpatay sa menor de edad na si Kian Lloyd delos Santos.
Hinatulan ng habambuhay sa kasong murder ang mga pulis-Caloocan na sina Police Officer 3 Arnel Oares at PO1s Jeremias Pereda at Jerwin Cruz.
Sa press briefing sa Palasyo, iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bagaman may mga nauna nang pahayag si Pangulong Duterte na ipa-pardon niya ang mga pulis at sundalong nakulong dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin, hindi naman aniya kinukunsinti ng Pangulo ang mga otoridad na malinaw na may paglabag sa batas.
Sa kasong ito aniya ni Kian, sinabi ni Panelo na murder conviction ang desisyon ng huwes, ibig sabihin may intensyong patayin talaga ang biktima.
Ipinakikita nito na buhay at aktibong gumagana ang judicial system sa bansa.
Ayon pa kay Panelo, sa loob lamang ng anim na buwan ay nakuha ng pamilya ng biktima ang hustisya, patunay na nagtrabaho nang husto ang prosekusyon.
Matatandaan na naging bisita ni Pangulong Duterte ang mga magulang ni Kian sa Malacañang para tiyaking matututukan ang kaso.
Gayunman, makalipas ang ilang araw, tila nagbago ang pananaw ng Pangulo nang mabigyan ito ng ibang impormasyon at development sa kaso, dahilan para magduda ito sa ama ng biktima at inatasan ang mga otoridad na laliman pa ang imbestigasyon.