Hustisya sa Maguindanao victims abot-kamay na
MANILA, Philippines — Inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na malapit nang makamit ng pamilya ng Maguindanao massacre victims ang katarungan kasabay ng paggunita sa ika-siyam na anibersaryo nito sa Sitio Salman, Barangay Masalay, Ampatuan, Maguindanao.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ni PTFoMS Executive Director Joel Sy Egco na mismong si Andal ‘Unsay’ Ampatuan Jr., pangunahing suspek sa masaker na ang humiling sa korte nitong Nobyembre 5 na desisyunan na ang kaso.
Si Ampatuan ang kalaban noon sa gubernatorial post ni Toto Mangudadatu nang maganap ang masaker, na ikinamatay ng 58 katao, karamihan ay mamamahayag.
Nobyembre 23, 2009, patungo ng Sultan Kudarat ang mga biktima para samahan si Mangudadatu sa pag-file nito ng kanyang COC nang harangin ng mga armadong lalaki at pagpapatayin.
“After nine years, we can finally say that we can see the light at the end of the tunnel because the Ampatuan massacre case is nearing promulgation,” ani Egco.
Ang nasabing insidente noon ang nagtulak sa Committee to Protect Journalists (CPJ) para ituring ang Pilipinas na delikadong bansa para sa mamamahayag.
Pero dahil sa pagpupunyagi ng PTFoMS, binago ng CPJ ang estado ng media killings sa Pilipinas base na rin sa 2018 Global Impunity Index.
Ibinigay naman ni Andanar ang papuri kay Egco at sa task force staff nito sa pagbibigay ng mas “ligtas” na lugar hanapbuhay ang mga mamamahayag.
“Soon, we will have a promulgation and I would attribute this to the hard work of the PTFoMs,” ani Andanar.
Pinasalamatan naman ni Egco si Andanar bilang unang presidential media head na dumalo sa isinagawang wreath-laying ceremony sa Maguindanao para sa massacre victims.
Pinasalamatan niya rin ang PCOO chief sa pagsusog sa Administrative Order No. 1 na nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong Oktubre 11, 2016 kaya nabuo ang PTFoMS.
“Our mandate based on the A.O. 1 is not only to ensure the swift delivery of justice for those who were killed but also to ensure the safety of those who are still living,” aniya pa.
Maging si Mangudadatu ay ipinaabot din ang pasasalamat kay Andanar, kung saan ang kanyang misis na si Genalyn, dalawang kapatid at ilang kamag-anak ay pawang napatay rin sa nasabing masaker.
- Latest