43 pulis nakasuhan ng rape
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 43 pulis ang nasampahan ng kasong administratibo at inimbestigahan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kaugnay ng puspusang paglilinis laban sa mga scalawags sa hanay ng kapulisan.
Sa tala ni PNP-IAS Director Atty. Alfegar Triambulo, ang nasabing bilang ay nasa rekord ng kaniyang tanggapan simula noong 2012 hanggang 2018.
Sa nasabing bilang ay 14 sa mga pulis na nanghalay ay tinanggal na sa serbisyo habang ang iba pa ay patuloy na nililitis.
Base sa rekord pinakahuling insidente ang panghahalay ng isang police instructor sa isang lady cop na nagsasanay sa maritime training center sa Puerto Princesa City, Palawan noong Nobyembre 12, 2018.
Ang suspek na si PO3 Jernie Ramirez ay kasalukuyan nang nililitis sa kasong administratibo at kriminal sa lungsod ng Puerto Princesa .
Kabilang pa dito ang kaso ng dalawang miyembro ng Quezon City Police District na gumahasa umano sa isang babaeng detainee sa loob ng isang mobile police car kapalit ng kalayaan nito matapos mahuli sa illegal gambling.
Isa pa sa pinakagrabeng insidente ng panghahalay ay laban sa isang pulis na ginahasa ang isang 15 anyos na dalagita kapalit ng pagpapalaya sa mga magulang nito na nahuli sa pagtutulak ng shabu noong nakalipas na Oktubre.
- Latest