MANILA, Philippines — Nagpakita ng suporta ang mga residente ng Atimonan sa nakaplanong itayo na planta ng kuryente sa kanilang lugar na may kapasidad na 1,200MW na inaasahang lilikha ng trabaho sa lugar.
Ayon kay Demosthenes Hernandez, presidente ng Municipal Agriculture and Fisheries Council, nagtungo sila sa tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC) kahapon upang ipakita ang kanilang suporta sa Atimonan One Energy (A1E) at pati na rin sa ERC. Ito rin ay isang paraan ng pagpapakita ng suporta at pasasalamat kay ERC Chair Agnes Devanadera. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang isinagawang rally ay makikita ng mga commissioner ang kahalagahan ng nasabing proyekto.
“Lubos kaming nagpapasalamat kay Energy Sec. Alfonso Cusi dahil sa pagbibigay ng DOE ng Certificate of Energy Project of National Significance (EPNS) sa Atimonan One Energy bilang pagkilala sa kahalagahan ng nasabing proyekto,” sabi ni Hernandez.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng DOE ng EPNS ay inaasahang maglalabas na rin ng desisyon ang ERC sa loob ng 30 araw sa ilalim ng Executive Order no. 30.
Pinasasalamatan din ni Hernandez si Pangulong Duterte dahil sa pagpirma nito sa EO 30 na siyang nagbigay daan upang mas mapabilis ang proseso para sa mga proyektong kagaya ng sa A1E.
Ayon kay Hernandez, malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa kanilang komunidad dahil ito ay magbubukas ng karagdagang trabaho na siyang inaabangan at hinihintay sa Atimonan.