MANILA, Philippines — Nakatakda na umanong ibalik ng Estados Unidos sa Pilipinas ang kinuhang Balangiga Bells noong panahon ng Philippine-American War.
Sa pahayag ng US Embassy sa Maynila, sinabi nito na ipinagbigay-alam na umano ni US Secretary of Defense Jim Mattis sa Kongreso ang nasabing plano.
Wala pang petsa kung kailan isasauli ang naturang mga kampana.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang napaulat na ibabalik ng Estados Unidos ang makasaysayang Balangiga bells sa Pilipinas matapos ang 117 taon.
Ang nasabing mga kampana ay kinuha sa Balangiga, Eastern Samar bilang tropeo ng US sa giyera.
Dalawa sa 3 Balangiga bells ay naka-display sa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.
Ang ikatlong kampana ay nasa US Army regiment sa South Korea.
Mismong si Pangulong Duterte ang umapela sa Estados Unidos na ibalik nito sa bansa ang nasabing kampana.