‘Presidential Cars Commemorative Stamps’ ilulunsad

Ayon kay Postmaster General Joel Otarra, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalabas ang PhlPost ng selyo na may kinalaman sa mga “Pre­sidential Cars” na sumi­simbolo sa kasaysayan ng bansa.

MANILA, Philippines — Nakatakdang maglabas ng commemorative stamps ang Philippine Postal Corporation (PhlPost) tampok ang mga klasiko at mo­dernong sasakyan ng mga naging pangulo ng Pilipinas o “Presidential Cars”.

Ayon kay Postmaster General Joel Otarra, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalabas ang PhlPost ng selyo na may kinalaman sa mga “Pre­sidential Cars” na sumi­simbolo sa kasaysayan ng bansa. Nakatakdang ilunsad ang naturang mga selyo sa History con 2018, ang itinuturing na pinakamalaking “entertainment convention” sa bansa sa darating na Agosto 10 sa World Trade Center, CCP Complex, Buendia, Pasay City.

Nangunguna sa “classic presidential cars commemorative stamps” ang sasakyan ng kauna-una­hang pangulo ng bansa, si Heneral Emilio Aguinaldo at ang kanyang 1924 Packard Single-6 Touring.

Itinampok din ang commemorative stamps ng sasakyang ginamit ni Commonwealth President Manuel L. Quezon, ang 1937 Airflow Custom Imperial, model CW limousine. Noong panahon ng Hapon, mula 1943-1945, ginamit ni President Jose P. Laurel ang Packard Custom Super Eight: One Eighty Limousine sa kanyang pagla­lakbay.

Sinakyan naman ni Pangulong Elpidio Quirino ang 1953 Chrsyler Crown Imperial Limousine habang si Pangulong Ramon Magsaysay ay gumamit ng classic 1955 Cadillac Series 75-23.

Mula sa panahon ng mga klasikong sasakyan, mga modernong “Presidential cars” naman ang makikita sa selyo na ginamit ng mga Pangulong sina Ferdinand E. Marcos (1980 Lincoln Continental Mark VI Signature Series), Corazon C. Aquino (Mercedes-Benz 500 SEL), Fidel V. Ramos (Mercedes-Benz 500SEL Guard), Joseph Ejercito Estrada (Mercedes-Benz S600) at Gloria Macapagal-Arroyo (Mercedes-Benz S600 Limousine V140).

Nag-imprenta ang PHLPost ng 8,000 na kopya ng “sheetlet stamps” ng mga klasiko at modernong “presidential cars” na nagkakahalaga ng P12 bawat isa. 

Show comments