MANILA, Philippines — Siguradong magkakaroon na ng bagong Majority leader ang Kamara sa susunod na linggo.
Ayon kay Deputy Speaker at Interim Majority leader Fred Castro na plano talaga nilang maghalal ng kapalit ni dating House Majority leader Rodolfo Fariñas at posibleng mangyari ito sa Lunes.
Idinagdag pa ni Castro na gagampanan niya ang tungkulin ng majority leader hanggang sa makapaghalal na ng bago ang kapulungan.
Kaya bilang pansamantalang majority leader, si Castro rin ang tatayong pansamantalang chairman ng Rules committee ng Kamara.
Sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Magnolia Antonino na maraming pwedeng pagpilian na papalit kay Fariñas at sila ay malaki ang naging papel sa pagkaluklok kay Arroyo bilang Speaker.
Ang bagay na ito umano ay masusing pinag-uusapan ng Majority bloc ngayon para mapili ang pinakamahusay na tatayong majority leader.
Kabilang naman sa sinasabing pinagpipiliang pumalit kay Fariñas ay si Castro at si Deputy Speaker Andaya.