MANILA, Philippines — Kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman si Aklan Governor Florencio Miraflores at 16 iba pang opisyal ng bayan ng Malay, Aklan bunga ng umano’y naging kapabayaan ng mga ito na mapangalagaan ang isla ng Boracay.
Kinasuhan ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III si Miraflores ng kasong kriminal kaugnay ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kasong administratibo dahil sa grave misconduct, gross neglect of duty, conduct unbecoming of public officials at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Kapwa akusado ni Miraflores sina Malay, Aklan Mayor Ciceron Cawaling, Vice Mayor Abram Sualog at miyembro ng municipal council gayundin ang provincial environmental officers at mga opisyal ng barangay ng Boracay.
Ayon kay Densing, bigo si Miraflores na tupdin ang responsibilidad at tungkulin na matiyak na malinis at mapangalagaan ang kapaligiran ng isla.
Nagkaroon din umano ng kasalanan ang mga opisyal ng Malay nang isyuhan ng business permits ang mga establisimyento sa Boracay kahit na kulang sa mga kaukulang requirements tulad ng Fire Safety at Building Code.
Giniit din ni Densing sa Ombudsman na agad suspindihin sa tungkulin ang lahat ng mga kinasuhan kaugnay ng Boracay mess.
Hanggang sa ngayon ay nakasara sa turista ang Boracay matapos ihayag ni Pangulong Duterte na nasalaula na ng basura ang isla.