MANILA, Philippines — Umalma ang isang malaking grupo ng mga retiradong pulis dahilan sa umano’y pang-aabuso sa sobra-sobrang koleksyon ng pension loan na awtomatikong kinakaltas sa kanila ng Savings and Loans Association (SLAIs).
Ito’y bukod pa sa mataas na interes na kinokolekta naman ng Multi-Purpose Cooperatives (MPCs) na binabawas sa suweldo ng mga pulis na may utang kung saan ang isyu ay pinaiimbestigahan na ni Pangulong Duterte.
Ayon sa mga retirees, nais nilang bawiin na ng PNP Memorandum Circular (MC) No. 2016-038 at ang PNP Standard Operating Procedure 002-16 ng Committee on Accreditation ang awtomatikong pagkaltas, gayundin ay suspindihin at buwagin na ang Automatic Pension and Deduction Scheme (APDS). Ang nasabing MCs at mga polisiya ay nagsisilbing basehan sa implementasyon para sa APDS.
Ipinunto ng mga retirees na kahalintulad ang nasabing sistema ng MPCs na nagkakaloob ng pautang sa mga retirado at aktibong pulis sa serbisyo kung saan ay awtomatikong kinakaltasan ng sobra-sobra sa monthly dues base sa komputasyon ng SLAIs.
“ Among the reported abuses of these SLAIs include charging excessive interest rates, some of the SLAIs reportedly increased the monthly amortization and number of remaining installments (NRIs) without the knowledge and consent of the borrowers with some having listed as having 870 NRIs on their loans”, giit pa ng mga ito.
Una na ring ipinaabot ng mga retirees ang kanilang reklamo kay Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang mga retirees kay PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na pakinggan ang kanilang mga karaingan.
Sinabi naman ni Albayalde na pag-aaralan ng PNP ang kahilingan ng mga retirees na hiniling na isapormal sa pamamagitan ng liham ang kanilang mga reklamo sa mga pang-aabuso sa sistema ng pangongolekta sa kanilang mga utang na kinasasangkutan ng SLAIs.