MANILA, Philippines — Kinondena kahapon sa Kamara ang pagpatay sa publisher ng Trends and Time sa Panabo City na si Dennis Denora sa layuning patahimikin ito sa pagbubulgar ng mga anomalya sa gobyerno man o pribadong sektor.
Kasabay nito’y hinamon ni Davao del Norte Rep. Antonio “Tony Boy” Floirendo ang pulisya na agad lutasin ang krimen upang maparusahan ang mga utak sa likod ng pagpaslang sa 67-anyos na si Denora.
Sinabi ng mambabatas na mananatiling banta sa press freedom ang pag-atake sa mga miyembro ng media kung hindi matutukoy at maparurusahan ang mga suspek at mastermind sa krimen.
“We have again another assault against a broadcast journalist. At the rate we’re going in handling these crimes, the chilling effect of these brutalities on our media will not only cost us more lives but also our press freedom,” ayon pa kay Floirendo.
Dead-on-the spot ang biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem habang lulan ng kulay puting Hyundai Elantra (ADP-4822) na minamaneho ng kanyang driver na si Mayonito Revira sa tapat ng Panabo Public market noong Huwebes ng tanghali.
Nakaligtas sa insidente si Revira.
Sinabi ni Floirendo na personal niyang kilala si Denora kung kaya’t mapatutunayan niya ang integridad at dedikasyon nito sa kanyang propesyon bilang miyembro ng media.
Kailangan umanong palakasin ng pamahalaan ang kampanya upang tiyakin na naipatutupad ang batas at katarungan upang protektahan ang kalayaan sa pamamahayag.
Nauna ng kinondena ng National Union of Journalist in the Philippines (NUJP) ang mga insidente ng pag-atake sa media at hinamon ang pamahalaan na kumilos upang protektahan ang mga mamamahayag.