MANILA, Philippines — Sisimulan na ngayong araw ang 12-days of prayer laban sa “crisis of truth” o paglaganap ng fake news sa bansa.
Kahapon ay nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na makiisa sa idaraos na 12-araw ng panalangin at pag-aayuno na tinawag na “Feasts of Truth and Love” na sisimulan ngayong Linggo (Mayo 20) bilang Pentecost Sunday, at magtatapos hanggang sa Mayo 31.
Ang pagtatapos ay pagdiriwang naman ng Simbahan ang kapistahan ng pagbisita ng Birheng Maria sa pinsan na si Elizabeth, mga selebrasyon na nagbibigay-halaga sa katotohanan at pag-ibig.
Ayon kay Tagle, ang hakbang na ito ng simbahan ay bilang tugon sa pagkalat ng fake news sa bansa at magkakasalungat na katotohanan.
Sa loob ng nasabing mga araw, magpapatunog ng kampana sa lahat ng simbahan sa Archdiocese of Manila tuwing alas-3:00 ng hapon bilang paggunita sa pagkamatay ni Hesus at para hilingin sa Diyos ang pagpapadala ng Banal na Espiritu na magbibigay ng gabay sa mamamayan tungo sa katotohanan sa panahong ito.
Pagkatapos ng pagpapatunog ng mga kampana, sabay-sabay na dadasalin ang Chaplet of the Divine Mercy sa lahat ng simbahan, kapilya, kumbento, paaralan, opisina at tahanan.
Nauna rito, sinabi ni Tagle na hindi maitatanggi na ang mga Pilipino ay nahaharap sa krisis ng katotohanan dahil nalilito ang mga tao sa kung ano ang totoo o fake news.
Ikinababahala ni Tagle ang magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas, na aniya ay nagbubunga ngayon ng pagdududa, kawalan ng tiwala at pagkakahati-hati.
Iginiit din niya na ang “partisan politics” ay nagiging political “tribalization” kung saan unang naisasakripisyo ang kabutihan sana ng nakararami.