Overloading sanhi ng pagbagsak ng tulay sa Zambo
MANILA, Philippines — Overloading ang sanhi ng pagbagsak ng tulay sa Zamboanga City kaya nahulog ang ilang mambabatas na nagsasagawa ng inspeksyon sa low coast housing project doon.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Housing and Urban Development sa pangunguna ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez, lumalabas sa imbestigasyon ng National Housing Authority (NHA) na overloaded ang tulay na may kapasidad lamang na pito hanggang walong tao.
Kaya nang manatili umano sa iisang lugar sa tulay ang grupo nina Benitez at bumigay ang tulay dahil sa bigat nila kung saan 16 sila doon ay hindi kinaya ng dalawang frames ng footbridge.
Base sa position paper na isinumite ng NHA Zamboanga Office sa komite, ipinaliwanag nila na humina rin ang tulay dahil nawala ang ilang structural components nito partikular ang cross bracings, na nasa ilalim ng tulay at inaalis umano ng ilang residente para maiparada nila ang kanilang mga bangka.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang nasabing tulay noong Abril matapos na mahulog ang ilang kongresista, mga lokal na opisyal ng Zamboanga city at NHA sa maduming tubig na nag-viral pa sa social media.
Kaya ito ang sentro ng imbestigasyon ng Kamara habang ang low cost housing ay itinayo ng NHA at DPWH para sa mga biktima ng Zamboanga siege noong 2013.
- Latest