MANILA, Philippines — Naglabas ang Commission on Elections ng panuntunan para sa mga lugar na kinakailangang isailalim sa COMELEC Control kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10321, naglatag ang poll body ng mga batayan para sa deklarasyon ng COMELEC Control alinsunod sa umiiral na mga election laws.
Kasama sa batayan ang mga sumusunod:
Kung may kasaysayan o kung nakakaranas ng matinding laban ang magkakaribal na partido na posibleng humantong sa karahasan;
Kung ang lugar ay dati nang isinailalim sa COMELEC Control;
Kung may pagdanas ng karahasan dahil sa presensya ng mga private armed groups (PAGs);
Paggamit ng mga loose firearms o hindi lisensyadong baril;
At kung may seryosong banta ang New People’s Army, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayaff Group, private armies at iba pang grupo na dati nang nasasangkot sa terorismo, dayaan at iregularidad sa eleksyon, at nagiging banta sa malaya, mapayapa, tapat, maayos at kapani-paniwalang eleksyon.
Kapag isinailalim sa COMELEC Control ang isang lugar, may kapangyarihan ang poll body na magbalasa o mag-utos ng pagsibak sa mga myembro ng Philippine National Police; gawing deputized agency ang Department of Interior and Local Government; magpalit o mag-alis sa pwesto ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na lumalabag sa election law.