Mula mastermind patungong testigo: Napoles pasok sa witness protection program

MANILA, Philippines – Nabaligtad ang mundo ng tinaguriang pork barrel mastermind Janet Lim-Napoles matapos siyang ipasok sa witness protection program ng gobyerno.

Kinumpirma ng Department of Justice na nasa kanila si Napoles na pinaniniwalaang nasa likod ng pakikipagsabwatan sa mga mambabatas upang maibulsa ang kani-kanilang mga priority development assistance fund o mas kilala sa tawag na pork barrel.

Nitong nakaraang taon ay naabswelto si Napoles para sa kasong serious illegal detention na isinampa sa kaniya ng kamag-anak at pork barrel scam whistleblower Benhur Luy.

Sinabi ni Solicitor General Jose Calida na maaaring gawing state witness si Napoles dahil sa lawak ng kaniyang nalalaman.

Kinontra naman ito ng oposisyon at ng ibang sektor dahil si Napoles ang sinasabing “most guilty” sa kaso.

Show comments