‘Work day off’ sa Metro Manila pinag-aaralan

Sinabi ni Elmer Argaño, tagapagsalita ng I-ACT na nasa “feasibi­lity study” na ito at nasa konsultasyon na sa mga “stakeholders” kabilang ang mga lokal na pamahalaan at ang “business sectors” sa bawat lungsod. 
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Masusing pinag-aaralan ngayon ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang posibleng implementasyon ng magkakaibang araw ng “day off” ng mga empleyado sa pamahalaan at sa pribadong sektor ng bawat lungsod sa Metro Manila upang maibsan ang tinatawag na “carmageddon” nga­yong 2018.

Sinabi ni Elmer Argaño, tagapagsalita ng I-ACT na nasa “feasibi­lity study” na ito at nasa konsultasyon na sa mga “stakeholders” kabilang ang mga lokal na pamahalaan at ang “business sectors” sa bawat lungsod. 

Layon aniya nito na kontrolin ang buhos ng tao sa mga kalsada na dahilan ng “congestion” o pagsisiksikan.

Partikular sa suhestiyon na nakarating sa I-ACT ang paghihiwa-hiwalay ng day off ng mga manggagawa bukod sa Sabado at Linggo sa mga weekdays o Lunes hanggang Biyernes.

Habang isinasailalim ito sa pag-aaral at konsultasyon, posibleng unahin ng I-ACT ang iskedyul ng pasok ng mga tauhan ng pamahalaan kabilang ang mga nasa LGUs (local government units) at LGAs (local government agencies). 

Mas kaya umano ito na maunang maipatupad kaysa pribadong mga kumpanya dahil kailangan pa ng mas maraming pag-uusap sa mga negosyante.

May konsepto na rin sa “work base adjustment” ang Civil Service Commission (CSC) na nakabinbin sa Kongreso ukol sa “work at home scheme” ng mga tauhan ng pamahalaan para hindi makadagdag sa volume sa kalsada. Maaaring makabilang dito ang mga kawani ng pamahalaan na nasa “consultant” ang status o mga teknikal na maaaring magawa ang trabaho sa bahay at ipadala na lamang ang mga dokumento sa pamamagitan ng “e-mail” o makipag-komunikasyon sa pamamagitan ng internet.

Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa P3.5 bilyon ang nawawalang kita ng Pilipinas kada araw dahil sa matinding trapiko hindi lang sa Metro Manila ngunit maging sa ilang pangunahing lungsod sa buong bansa.

Show comments