MANILA, Philippines — Tiwala si Albay Rep. Edcel Lagman na bago matapos ang 17th Congress ay maisasabatas na ang panukalang Divorce sa bansa.
Sinabi ni Lagman, na sa 2019 ay magkakaroon na ng Divorce Law sa Pilipinas dahil mas madali itong maipapasa kumpara sa Reproductive Health bill.
Ang kongresista ang pinuno ng technical working group na siyang nagko-consolidate at sumusuri sa nasabing panukala.
Paliwanag niya, ang divorce bill ay pro-women legislation dahil mas higit na nangangailangan ang mga kababaihan ng nasabing batas sapagkat matagal na silang biktima ng failed marriages kumpara sa mga kalalakihan.
Kabilang umano sa ground na kinokonsidera para sa absolute divorce ay physical violence o ang pagiging battered spouse kabaligtaran umano sa umiiral ngayong Family Code na ang ground para sa legal separation ay paulit ulit na physical violence laban sa petitioner, common child o anak ng petitioner.
Giit ni Lagman, sa divorce bill ay sapat na ang physical violence na lang at hindi na dapat bigyan ng masyadong pagsasakripisyo ang isang asawang babae na halos araw-araw binubugbog.
May provision din umano sa panukala ang terminong “chronic ddifferences o chronic unhappiness”.
Isinusulong din sa ilalim ng panukala ang mabilis at mas murang pagproseso ng divorce.