Senado, House nagkasundo na sa Chacha
MANILA, Philippines — Nagkasundo na ang liderato ng Kamara at Senado na pagtuunan muna ang pagsusulong ng Charter change (Chacha) patungo sa federalismo sa halip na sa usapin ng paraan ng botohan ng dalawang kapulungan.
Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez, na nagpulong sila kamakalawa nina Senate President Aquilino Pimentel III, Senate Majority leaders Tito Sotto at House Majority Rudy Fariñas.
Paliwanag ni Alvarez, napagkasunduan nila na saka na lamang pag-uusapan kung paano ang botohan at sa halip ay mag-uusap muna sila sa detalye tulad ng structure ng gobyerno hanggang sa mabuo nila ang Saligang batas.
Pagkatapos umano nito ay wala na rin pagkakaiba kung magbotohan sila kung vote separately o jointly dahil may consensus naman sila na magpalit ng porma ng gobyerno sa federalismo.
Ayon pa kay Speaker, naging maganda ang kanilang usapan at naging mahinahon din sila at napag-usapan kung ano ang maganda sa bayan ay iyon ang kanilang prayoridad.
Nilinaw naman ni Alvarez na walang away sa pagitan nila ng mga Senador at ang word war lang sa pagitan nila ay para lang sa media para umano masaya.
Muli naman umanong magkakaroon ng pagpupulong ang mga lider ng dalawang kapulungan sa susunod na linggo para pag-usapang mabuti ang panukalang federal form of government at susuriin din ang iba pang modelo na ginamit ng iba’t ibang bansa tulad ng Amerika at Germany.
- Latest