OFWs tratuhing tao – Duterte
Apela sa Kuwait, ME countries
MANILA, Philippines — Umapela kahapon si Pangulong Duterte sa bansang Kuwait at iba pang Middle East countries na tratuhing tao ang mga OFW sa gitna ng mga ulat na pang-aabuso sa mga ito.
“Can I ask you now just to treat my countrymen as human beings,” wika ng Pangulo sa kanyang departure message kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 patungong India.
“We are poor, we may need your help, but we will not do it at the expense of the dignity of the Filipino,” sabi pa ng Pangulo.
Nagbabala rin si Pangulong Duterte na kung sakaling may mga overseas Filipino workers na magagahasa at magpapakamatay sa Kuwait ay hindi na siya magpapaliguy-ligoy pa at ipag-uutos ang total ban sa deployment ng mga manggagawang Pinoy na pupunta doon.
Ayon kay Duterte, na sumakay ng eroplanong PR-001, hindi siya papayag na magpapatuloy ang ganitong karumal-dumal na krimen ng rape, pagpapahirap at pagpapagutom sa mga OFW kapalit ng maliit lamang na sahod.
Hinimok ni Duterte at hihilingin niya sa Kuwaiti government at iba pang bansa sa Gitnang Silangan na tratuhin ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa kanilang bansa bilang isang taong may dignidad.
Nilinaw din nito na hindi siya nakikipag-away sa Middle East countries at kinikilala nito ang kontribusyon ng mga kinikita ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.
Kahit kailangan umano ng tulong ng mga nasabing bansa, hindi naman nito papayagang makompromiso ang dignidad ng mga manggagawang Pilipino doon.
May kabuuang 10 milyong OFW sa iba’t ibang panig ng mundo pero karamihan ay nasa Gitnang Silangan.
Pinag-aralan na rin ng DOLE na suspindihin ang pagpapadala ng OFW sa Kuwait matapos tumaas ang ulat na minamaltrato ang mga ito ng kanilang amo.
“I hope that you’d listen to me because I mean well, but I will never never again tolerate another incident of rape to the point of committing of suicide, jumping out the window. That is something the Filipino cannot stomach,” paliwanag pa ni Digong.
“If I can’t do something about it then there’s no reason for me to stay in this position any minute longer,” dagdag pa ni Duterte.
- Latest