MANILA, Philippines — Labingdalawa pang Maute-ISIS stragglers kabilang ang pinsan ng Maute brothers ang napaslang matapos na makasagupa ng tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng clearing operations sa main battle area sa lungsod ng Marawi sa halos maghapong bakbakan kamakalawa.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., nagsimula ang bakbakan kamakalawa ng umaga na umabot hanggang hapon.
Isa sa mga nasawi ay kinilalang sina Ibrahim Maute alyas Abu Jamil, pinsan ng Maute brothers na sina Omar at Abdulkhayam Maute na pawang namuno sa Marawi City siege.
Sa clearing operations, unang narekober ang bangkay ng walong Maute-ISIS stragglers sa Building 10 habang apat pang bangkay ang nakuha ng tropa ng mga sundalo sa Building C26 sa may port area ng lungsod.
Ayon kay Galvez ang pinangyarihan ng bakbakan ay siyang pinagtataguan ni Malaysian Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Amin Baco na huling nakitang nagtatakbo sa pagtatago sa loob ng gusali kung saan nagkaroon ng mainitang putukan.
Samantala, taliwas naman sa sinabi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sinabing posibleng isa sa mga nakuhang bangkay sa naturang mga gusali ay si Baco.
“There are body counts there in the areas where they are hiding and we believe na hopefully isa si Amin Baco at saka yung si Mahalam, ‘yung isang Indonesian at yung anak ni Isnilon na natitira.. si Abdullah Japilon, ‘yun ang pinaka-hinahanap natin,” ayon kay Galvez.
Ani Galvez, sa oras na matagpuan na si Baco ay tuluyan na nilang mawawasak ang “chain” ng nalalabi pang Maute-ISIS stragglers at maging ang Abu Sayyaf Group sa Mindanao.
Sinabi ni Galvez na naghihinala silang patay na si Baco matapos na makasagupa ang Scout Rangers at 55th Infantry Battalion ng Philippine Army sa nalalabi pang gusali sa may pantalan na pinagtataguan ng Maute-ISIS stragglers.
Nauna rito, sinabi ni dela Rosa na buhay pa si Baco na siyang pumalit sa napatay na si Commander Isnilon Hapilon bilang Emir ng ISIS sa Southeast Asia at umano’y siyang namumuno sa may 30 Maute-ISIS stragglers sa Marawi. Ito ay base aniya sa interogasyon sa high risk terrorist na si Indonesian Muhammad Ilham Syahputra na nahuli sa main battle area habang tumatakas sa lungsod ng Marawi noong Undas.
Gayunman, nanindigan ang AFP kahapon na watak-watak na at wala nang tumatayong lider ang Maute-ISIS stragglers na nalalabi sa Marawi.
Sinabi ni AFP Spokesman Major Gen. Restituto Padilla Jr., matibay ang indikasyon at naniniwala ang militar na patay na si Baco at wala ng lider ang naturang teroristang grupo.