MANILA, Philippines — Kakasuhan ng mga kongresista sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng perjury at syndicated estafa ang contractor ng Yolanda housing projects.
Bukod sa paghahain ng kaso, irerekomenda rin sa National Housing Authority (NHA) na kanselahin ang kontrata ng JC Tayag Inc.
Paliwanag nina Negros Occidental Rep. Albee Benitez at Eastern Samar Rep. Ben Evardone, na ang pagsasampa ng kaso ay nag-ugat dahil sa pagsisinungaling ni JC Tayag nang ideklara niya sa hearing ng komite noong nakarang linggo na hindi siya gumamit ng sub-standard materials sa Yolanda housing units.
Subalit napatunayan na nagsisinungaling ang contractor ng magpadala sila ng isang team mula sa DPWH at NHA sa Balingiga, Eastern Samar at pinasuri ang mga bakal na ginagamit at lumabas na sa halip na steel bars na16mm ay 12mm lamang at 8mm sa halip na10mm specs ang ginamit.
Dahil sa natuklasan kaya mas palalawakin pa nila ang audit sa Yolanda housing sa iba pang bahagi ng Eastern Visayas dahil ang JC ay nakakuha ng kabuuang 800 milyon mahigit na halaga ng kontrata.
Nilinaw naman ni Benitez na maari rin sumabit sa nasabing anomalya ang mga taga NHA dahil malinaw na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng mga taga gobyerno.