Soroptimist Int’l ng Mandaluyong City umayuda sa mga kababaihan
MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang buwan nang sinimulan ang pag-rehabilitate ng isang maliit na lugar sa Barangay Burol, Mandaluyong City; mula sa isang tambakan ay naging mistulang paraiso na ngayon at tinatawag ng mga residente na “THE HILL GARDEN”.
Ang proyektong nasabi ay nakapaloob sa programang “Adopt A Barangay” ng Soroptimist International of Mandaluyong, isang malawakang organisasyon ng mga kababaihan na naglalayong makatulong sa mga kababaihan, kabilang ang mga batang babae na magkaroon ng pag-angat, at matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Pinangunahan ni Ms.Jasmin Cajiuat, Pillar Chair for Public Awareness, ang paggabay sa mga babae sa mga unang hakbang para maisagawa ang gulayan. Matapos ang dalawang buwan, ay matagumpay na namunga at napapakinabangan na ng mga residente ang mga tanim. Priyoridad ng mga miyembro ng Hill Garden Team ang paggamit ng mga gulay sa nutrition program ng kumunidad.
Dagdag pa sa layunin ng pagkakabuo ng gulayan, ang pagbibigay ng dagdag-kita para sa mga babaeng nakapaloob sa proyekto. Ang mga gulay ay maaring ibenta bilang pandagdag-kita ng mga kababaihan, ang ilan sa kanila ay mga street sweepers, street food vendor at residente ng Barangay Burol.
Ang “Adopt A Barangay” ay isa lamang sa napakaraming programa ng Soroptimist International of Mandaluyong. Sa kasalukuyan, may mahigit isang daang batang babae sa grade 11 at 12 ang nabigyan ng tulong mula naman sa “TECHVOC ASSIST” Impact Project ng club. Mayroon ding proyekto para sa mga kababaihan “Housekeeping Skills Training” at para sa mga batang babae ang “Feeding Children-Teaching Mothers”.
Ang Soroptimist International of Mandaluyong ay may 23 taon ng nakikipagtulungan sa pamahalaan ng Mandaluyong sa pagpapatupad ng mga programang pang-nutrition at pangkababaihan.
- Latest