MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng beripikasyon ang mga awtoridad hinggil sa ulat ng umano’y paglabas ng bansa ng self-confessed Davao Death Squad (DDS) member na si Arturo Lascañas.
Lumilitaw sa report na kamakalawa ng gabi umano pumuslit ng bansa si Lascañas dahil umano nakatanggap ito ng mga banta na sasampahan siya ng kaso at may mga tao rin daw na naghahanap sa kanya.
Dahil dito, minabuti na lamang daw niyang pansamantalang umalis ng Pilipinas.
Bagamat alam naman na raw ng gobyerno kung saan siya tutungo dahil kamakailan lang ay naghain siya ng kanyang immigration form, mainam na raw na huwag na muna niyang sasabihin kung saan man siya sa kasalukuyan.
Matatandaan na kamakailan lang ay bumaligtad si Lascañas sa kanyang mga naging pahayag sa Senate investigation noong nakaraang taon, kung saan itinanggi niyang miyembro siya ng DDS, gayundin ang mga alegasyon ng isa pang self-confessed DDS member na si Edgar Matobato.
Pebrero 20 nang aminin ni Lascañas na siya ay nagsinungaling nang una siyang humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Sa araw na rin na iyon kanyang idiniin si Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod umano ng mga pagpatay ng DDS.
Mariing pinabulaanan naman ng Malacañang ang mga paratang ni Lascañas, sa pagsasabi na bahagi lamang umano ito ng mga planong siraan si Pangulong Duterte at ang administrasyon nito.