Impeachment vs Duterte dadagdagan ng reklamo

MANILA, Philippines -  Walang balak ang Magdalo group na bawiin ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte at sa halip ay dadagdagan pa ang reklamo.

Ito ang inihayag kahapon ni Sen. Antonio Trillanes sa gitna ng hamon ni Rep. Harry Roque na dapat i-withdraw na ang reklamo dahil wala umano itong basehan.

Ayon kay Trillanes, isasama sa impeachment complaint ang isyu tungkol sa Benham Rise at Scarborough Shoal na mistulang isinusuko na umano ng Pangulo sa China.

Sinabi ni Trillanes na magkakaroon ng supplemental complaint na posibleng isampa rin ng Magdalo.

Ipinaliwanag ni Trillanes na maaari namang amyendahan ang inihaing impeachment complaint dahil hindi pa naire-refer sa committee sa House of Representatives.

Naniniwala rin si Trillanes na mas malakas ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil bukod sa mga dokumento at testigo ay magiging ebidensiya rin ang mismong mga pahayag ng Pangulo.

Show comments