Chinese investments dadagsa
MANILA, Philippines - Patuloy na dadagsain ng investment ang Pilipinas buhat sa Tsina makaraang ilang malalaking kumpanya ang magpadala na ng kanilang “Letter of Intent (LOI)” sa Philippine Board of Investments (BOI) para sa pagnenegosyo sa mga industriya ng “aviation, langis, renewable energy, bakal, at paglikha ng mga barko.
Sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary at BOI Chairman Ramon Lopez na patunay ito ng mataas na tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa kapabilidad ng Pilipinas sa pagnenegosyo.
“China remains a strong investments partner of the Philippines, and we are positive that these LOIs will sustain the level of interests and open up more business opportunities for the Chinese investors,” ayon sa kalihim.
Kinilala naman ni Trade Undersecretary for Industry Development at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo ang mga kumpanya na nagpadala ng LOI - ang Aviation Industry Corporation of China (AVIC) International Aero-development Corporation, Liaoning Bora Enterprise Group Co., Ltd., Huili Investment Fund Management Co., Ltd., Dalian Wanyang Heavy Industries Co., Ltd., at YiDingTai (YDT) International.
Inaasahan na kung matutuloy ang paglalagak ng puhunan at negosyo ng naturang mga kumpanya, makakadagdag ito sa pag-unlad ng mga rehiyon sa bansa at pagbibigay ng negosyo sa mga Pilipino.
Ang AVIC International Aero-development Corp. ay kumpanya sa Tsina na nakatutok sa paglikha ng mga helicopter, at iba pang aircraft at aviation na mga produkto. Ang Liaoning Bora Enterprise at lokal na partner nito ay tututok naman sa konstruksyon at operasyon ng “retail network, oil storage terminal, at refineries” para sa komersyal na operasyon.
Nakatutok naman ang Dalian Wanyang sa paglikha ng enerhiya buhat sa “solid wastes” na nakokolekta sa mga bahay at mga negosyo gamit ang pinakabagong teknolohiya habang sa pagbuo at pagkukumpuni naman ng mga barko ang target ng YDT International.
Sa produksyon ng world class na bakal ang target ng Huili Investment Fund Management Co., Ltd sa Pilipinas at target na makaprodyus ng nasa US$3 bilyon na bakal na may 6,000 empleyado sa 2022.
Nitong 2016, umabot sa P1.52 bilyon ang naaprubahang mga investment buhat sa mga kumpanya galling sa Tsina.
- Latest