MANILA, Philippines - Nakaladkad kahapon ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P50 milyong bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI) matapos lumutang ang kopya ng palitan ng text messages sa pagitan nina dating associate commissioners Al Argosino at dating police general Wenceslao “Wally” Sombero.
Sa pagtatanong ni Sen. Antonio Trillanes IV, pinuna nito ang laman ng complaint-affidavit ni Sombero kung saan inilagay niya ang kopya ng text message ni Argosino na ipinagmamalaking may kakilala siyang tao na malakas sa Presidente.
“Very good, proceed as planned. I’m arranging a meeting with a person with very good connection with President. I may bring him to you and Jack Lam for discussion. Confidential lang muna please,” nakalagay sa text message.
Bukod sa nasabing text message, ipinakita rin ni Trillanes ang kopya naman ng viber message mula rin kay Argosino para kay Sombero kung saan nakalagay na: “Copy. Please stand by. I’m arranging meeting with President’s eldest brother and his son in law. This is big time meeting once meeting will push through tonight. Prepare big time also.”
Humarap kahapon sa unang pagkatataon sa ika-apat na pagdinig ng Senate blue ribbon committee si Sombero matapos bumalik sa bansa mula sa Canada.
Si Sombero ang naging daan sa pagbibigay ng P50 milyon mula sa Chinese na si Jack Lam kina Argosino at dating BI associate commissioner Michael Robles upang mapalaya umano ang nasa 1,316 Chinese nationals sa Fontana Leisure Park and Casino sa Clark, Pampanga.
Nilinaw ni Sombero na hindi naman nanggamit ng ibang pangalan o nag ‘name-drop’ sina Argosino at Robles sa paghingi sa kanila ng pera.
Pero sa isang panayam, tiniyak ni Trillanes na si Pangulong Duterte ang tinutukoy na “presidente” sa nasabing text messages.
Naniniwala rin si Trillanes sa pahayag ni Atong Ang, na humarap rin sa pagdinig bilang kinatawan ni Jack Lam, na labanan ng mga gustong pumasok sa gambling industry ang ginawang pag-raid sa Fontana ni Lam.
Ayon kay Trillanes, nabanggit ang pangalan ni Kim Wong na base sa kanyang impormasyon ay isang naging supporter ni Duterte na gusto umano nitong pasukin ang negosyo ni Lam.
Hinala ni Trillanes, sinadya ang pag-raid sa Fontana sa pangunguna ng Department of Justice upang masira ang negosyo ni Lam.