MANILA, Philippines - No ransom policy!
Ito ang pinandigan kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa banta ng bandidong Abu Sayyaf na pupugutan ng ulo ang Aleman na si Jurgen Kantner sa Pebrero 26 kapag hindi naibigay sa kanilang grupo ang P30 milyong ransom.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgar Arevalo, patuloy ang pagberipika sa lumabas na 2 minuto at 19 segundong video ng pagmamakaawa ng 70-anyos na si Kantner para sa kaniyang buhay.
Si Kantner ay umapela sa pamahalaan na tulungan na maibigay na ang P30 M ransom sa kaniyang mga abductors dahil pupugutan siya ng mga ito ng ulo hanggang alas-3 ng hapon sa itinakdang petsa.
Tiniyak naman ni Arevalo na patuloy ang pagsusumikap ng AFP para iligtas ng buhay si Kantner at ang iba pang mga nalalabing hostages ng mga bandido sa Sulu.
Sinabi naman ni Col. Cirilito Sobejana, Commander ng AFP’s Joint Task Force Sulu na ang pagbabayad ng ransom sa Abu Sayyaf ay higit na magpapalakas sa teroristang grupo.
Hawak ni Abu Sayyaf Sub-leader Muamar Askali alyas Abu Rami si Kanter matapos harangin ang yate nito sa Tanjung Luuk Pisuk sa Sabah noong Nobyembre 2016. Ang duguang bangkay ng misis nito na hubo’t hubad na umano’y ginahasa ay natagpuang may mga tama ng bala sa ulo sa bahagi ng Laparan Island, Pangutaran, Sulu noong Nobyembre 6, 2016.