MANILA, Philippines - Sinibak bilang second nominee at miyembro ng Kabayan partylist si Congressman Ron Salo at tatlo pa na kasama ng kongresista.
Sa ginanap na Special Party Congress assembly na dinaluhan ng ilang Comelec Representatives, bukod kay Salo sinibak din sina Pedro Parrocho, Joshua Sebastian at Vic Caguimbal sa Kabayan partylist dahil sa paglabag sa kanilang Constitution and By-Laws na nilagdaan ng mga dumalo sa delegasyon.
Binalewala din ng Comelec-registered voting members ng Kabayan ang binuo ni Salo na “Board of Trustees” na hindi naman kinikilala at hindi nag-e-exist sa ilalim ng kanilang Constitution and By laws.
Si Parrocho, Sebastian at Caguimbal ay miyembro ng Board of Trustees na iligal umanong itinatag ni Salo.
Sinabi ni Kabayan Secretary-General Rogel Navarro na ang party Congress na highest policy-making body ng partido, ay may kapangyarihang mag-elect at magtanggal ng miyembro na lalabag sa kanilang by laws.
Samantala pinawalang bisa din ng Special Party Congress ang resolution ni Salo na nagtatanggal kay Roque bilang Kabayan nominee. Nilinaw ng partido na nanatiling First Nominee ng partido si Roque.