MANILA, Philippines – Umapela kahapon ang Armed Forces of the Philippines sa hanay ng mga rebeldeng New People’s Army na huwag atakehin ang tropa ng mga sundalo na nagsasagawa ng humanitarian and disaster relief operations sa mga lugar na sinalanta ng 6.7 lindol sa Surigao City at iba pang lugar sa Surigao del Norte.
Ito’y sa gitna na rin ng idineklarang all out war ni Defense Secretary Delfin Lorenzana laban sa NPA matapos namang suspendehin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire noong Pebrero 3 ng taon at sumunod dito’y tinuldukan ang peace talks noong Pebrero 5 bunga ng serye ng mga bayolenteng aktibidad ng komunistang grupo.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo sa NPA rebels na sa halip na maglunsad ng ambushcades at iba pang uri ng pag-atake sa panahon ng kalamidad ay bigyan ng pagkakataon ang mga sundalo na tulungan ang mga biktima ng lindol.
Ginawa ni Arevalo ang apela sa NPA rebels bunga ng mga insidente ng pag-atake ng mga ito sa tropang gobyerno na nagsasagawa ng pagtulong sa mga biktima partikular na sa panahon ng pagtama ng supertyphoon Yolanda sa Samar at Leyte partikular na sa Tacloban City noong Nobyembre 2013.
Kaugnay nito, minobilisa na ni Army’s 10th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Benjamin Madrigal Jr. ang tropa ng mga sundalo para magsagawa ng rescue operation sa mga biktima ng lindol at patuloy rin ang pagtaya sa pinsala ng lindol.