5 NBI officials sinibak!
MANILA, Philippines - Makaraang masangkot sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo, sinibak sa kani-kanilang mga puwesto ang limang matataas na opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kabilang sa binalasa ay sina NBI-National Capital Region Director Ricardo Diaz, NBI-NCR Assistant Director Vicente de Guzman, NBI Deputy Director for Investigation Service Jose Yap, NBI Task Force Against Illegal Drugs chief Ruel Bolivar at Investigation Agent V Darwin Lising.
Si Diaz ay papalitan ni Rommel Vallejo.
Nabatid na si Diaz ay ibabalik sa kanyang mother unit, na NBI Regional Operation Service, habang si Lising ay inilipat sa Bicol.
Si de Guzman ay papalitan ni Atty. Sixto Burgos habang si Jonathan Galicia naman ang pansamantalang itinalagang mamuno sa NBI Anti-Illegal Task Force, at si de Guzman ang gaganap sa mga tungkulin ni Yap.
Ang reshuffle ay isinagawa matapos na ibunyag ni Police Supt. Rafael Dumlao III, na kabilang sa mga isinasangkot sa krimen, na sangkot ang mga tauhan ni Diaz sa kaso.
Ipinaliwanag naman ni Aguirre na layunin ng pagsibak sa pwesto sa mga naturang opisyal na bigyang-daan ang imbestigasyon ng NBI at Philippine National Police (PNP) sa kaso.
Matatandaang si Jee ay kinidnap ng mga pulis, sa pangunguna ni SPO3 Ricky Sta. Isabel sa kanyang tahanan sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18, 2016.
Dinala sa Camp Crame si Jee at doon pinatay saka ipina-cremate ang labi nito at i-flinush sa toilet ang kanyang abo.
Sa kabila nang pagpatay, nag-demand pa ng ransom ang mga suspek sa asawa ni Jee, na pumayag namang magbayad ng P5 milyon.
Sinasabing isinagawa ang pagdukot sa dayuhan gamit ang kampanya ng pamahalaan na Oplan Tokhang laban sa iligal na droga.
- Latest