MANILA, Philippines - “Handa akong magpabitay, walang cover-up”.
Ito ang mariing sinabi kahapon ni Philippine National Police Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng mga espekulasyon na magkaroon ng whitewash sa kaso ng mga opisyal at tauhan ng pulisya na idinadawit sa pagdukot at pagpatay sa South Korean trader na si Jee Ick-joo.
Sinabi ni dela Rosa sa press briefing sa PNP Press Corps na handa siyang mabitay kung magkakaroon ng ‘whitewash’ sa kaso kasabay ng paggiit na determinado ang liderato ng PNP na kalusin at tanggalin sa kanilang hanay ang mga bulok na itlog o mga scalawags.
“Walang cover up, ‘wag kayong mag-alala, no cover up, ang cover-up na gagawin natin, iko- cover natin ng lupa ‘yang mga police na yan (scalawags),” ani dela Rosa.
Kabilang sa mga isinasangkot sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay Ick –joo ay sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, team leader nito sa PNP-Anti-Illegal Drugs Group na si Supt. Gerardo Raphael Dumlao III, SPO4 Roy Villegas, PO2 Christopher Baldovino at apat na iba pa.
Sa kasalukuyan ay ‘restricted custody’ na sa PNP ang mga akusadong pulis matapos namang silbihan ng warrant of arrest sa National Bureau of Investigation (NBI) si Sta. Isabel noong nakalipas na Linggo na nauna nang sumuko sa ahensya.
Magugunita na nagulantang ang sambayanang Pinoy sa pagkakadiskubre na sa Camp Crame sa Quezon City mismo na bakuran ng PNP pinaslang si Ick-joo matapos naman itong dukutin sa tahanan nito sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18, 2016 sa pekeng anti-drug operation.
Ang krimen ay nabulgar nitong Enero 11 , 2017 matapos namang dumulog sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang misis ni Ick-joo na si Choi Kyung Jin.
Nabatid na sa kabila ng paslangin ang biktima ay nagawa pang humingi ng P5 milyong ransom ng mga kidnappers noong Oktubre 30, 2016 at humihirit pa ng karagdagang P4.5 milyon nitong Disyembre 2016 pero hindi na naibigay dahilan sa kawalan ng ‘proof of life’.
Kaugnay nito, tiniyak pa ni dela Rosa na patuloy ang masusi nilang imbestigasyon sa kasong ito upang panagutin sa batas ang lahat ng maysala.