‘Tokhang for ransom’ sisiyasatin
MANILA, Philippines - Balak ni Sen. Panfilo Lacson na magpatawag ng pagdinig sa Senado kaugnay sa ‘tokhang for ransom”.
Sinabi ni Lacson na isang Filipino-Chinese na kaniyang kaibigan ang nabiktima ng tokhang for ransom o kidnap extortion ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa Bulacan.
Dinakip umano ng mga pulis ang hindi niya pinangalanang Fil-Chinese sa Meycauayan, Bulacan dahil umano’y may illegal drug activities at pinakawalan lamang ng magbayad ng ransom ang pamilya.
Inihalimbawa rin ni Lacson ang kaso ng isang Korean national sa Angeles, Pampanga na dinukot din ng mga pulis at inimbentuhan umano ng drug case. Bagaman at nagbigay umano ang pamilya ng Koreano ng pera sa mga pulis pero hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang Koreano.
Naniniwala ang senador na dapat tumukoy ng remedial legislation para matigil ang masamang gawain ng mga tiwaling pulis na nakakasira sa kredibilidad at imahe ng organisasyon.
Umaasa rin si Lacson na walang sasantuhin sina Pangulong Duterte at PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa mga pulis na matutukoy na sangkot sa “tokhang for ransom”.
- Latest