MANILA, Philippines – Bunsod ng panibagong technical problem kaya pinutol ng pamunuan ng Metro Rail Transit ang biyahe ng MRT-3, kahapon ng umaga.
Nabatid mula sa MRT-3 control room na dakong alas-7:10 ng umaga noong pasimulan nilang ipatupad ang ‘provisional service’ mula sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City hanggang Taft Avenue station sa Pasay City.
Stop operation ang biyahe ng MRT-3 mula sa North Avenue, Quezon City hanggang Shaw Boulevard bunsod ng technical problem.
Ayon sa control tower, nagsimulang magkaroon ng service interruption dakong alas-6:51 ng umaga hanggang tuluyang putulin ang biyahe dahil sa hindi tinukoy na aberya.
Dahil rush hour noong maganap ang aberya kung kaya naipon ang libu-libong pasahero ng MRT-3 at halos nasakop ang kalahati ng linya ng EDSA para mag-abang ng kanilang masasakyan patungo sa kani-kanilang mga destinasyon.
Inis na inis naman ang mga na-late na pasahero sa pagpasok sa kanilang mga trabaho.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe ng kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City patungo ng Taft Avenue, Pasay City at vice versa.