Trump bagong US President
MANILA, Philippines – Nahalal si Republican Donald Trump bilang bagong pangulo ng United States sa katatapos na 2016 US elections kahapon.
Hindi makapaniwala at dismayado ang mga supporters ni Democrat Hillary Clinton matapos na lumabas na malaki ang lamang ni Trump, 70 anyos na negosyante, sa electoral bunsod upang itanghal siya na ika-45 Pangulo ng Amerika.
Lumalabas na nakakuha si Trump ng 289 electoral votes habang 218 boto kay Clinton.
Sa electoral rules sa US, kailangang makakuha ng 270 electoral votes ang isang presidential candidate mula sa may 538 boto sa electoral college upang mahalal bilang bagong pangulo ng US.
Matapos ang resulta ng halalan, agad na pumanhik sa stage ng kanilang headquarters sa New York si President-elect Trump kasama ang kanyang pamilya at isa-isa niyang pinasalamatan maging ang mga taong tumulong sa kanya.
Agad namang tinanggap ni Clinton ang kanyang pagkatalo at binati si Trump at hindi na nito hinarap ang kanyang mga nag-aantabay na tagasuporta sa New York.
Sa pananalita ni Trump, sinabi niya na nakatanggap siya ng tawag mula kay Clinton at binati siya sa kanyang pagkapanalo.
Sa kanyang victory speech, sinabi ni Trump na panahon na upang magkaisa ang kanilang bansa.
Sinabi ni Trump na magiging Pangulo siya sa lahat ng Amerikano at nangako na ire-rebuild at muling iaangat nito ang bagong Amerika na magiging kaibigan umano ng buong mundo.
Aniya, sa mga hindi naman sumuporta sa kanya ay susubukan niyang abutin upang magbigay ng patnubay at kasamang magta-trabaho.
Nangako rin si Trump na kanyang aalagaan ang kanilang mga magigiting na beterano.
Si Trump ang kauna-unahang magiging pangulo ng Amerika na walang anumang karanasan sa public office.
- Latest