MANILA, Philippines – Inatasan ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang pagkakapatay kay Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte sa loob ng selda nito sa Baybay City Jail noong Sabado.
Kasabay nito, inutos ni Department of Interior and Local Government Secretary Ismael D. Sueno sa Philippine National Police (PNP) na siyasatin ang pamamaril na ikinasawi ni Espinosa at kapwa preso na si Raul Yap sa Leyte sub-provincial sa Baybay City.
Sinabi ni Aguirre na inatasan niya ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon kasabay ng hiwalay na imbestigasyon ng PNP sa naturang pamamaslang.
Ipinaliwanag ni Aguirre na kailangang pumasok dito ang NBI sa kaso dahil ang mga operatiba ng PNP Criminal Investigatiojn and Detection Group ay napaulat na sangkot sa insidente makaraang makipagbarilan sa kanila si Espinosa habang sinisilbihan ito ng arrest warrant.
Sinasabi ng lider ng grupo ng CIDG na si Chief Inspector Leo Laraga na napilitan silang lumaban nang pagbabarilin sila nina Espinosa at Yap.
Sa direktiba ni Sueno kay PNP Chief, Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, agad nitong ipinag-utos sa PNP, partikular ang Internal Affairs Office na magsagawa ng pagsisiyasat at mangalap ng substantial evidence hingil sa ulat na barilan sa pagitan ng miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group Region 8 at ng dalawang high profile na bilango sa loob ng nasabing piitan.
“Nais nating malaman kung ang CIDG Region 8 ay sumunod sa standard operating procedures nang magsagawa ng operasyon at mag-serve ng search warrant kay Espinosa at Yap,” sabi pa ni Sueno.
Giit ng kalihim, habang si Espinosa at Yap ay mga high-profile inmate na naugnay sa iligal na kalakalan ng droga, nararapat lamang anyang sumunod ang kapulisan sa operational manual at respeto sa karapatan ng mga suspek, maliban sa kanilang buhay ay malagay sa panganib.
Sina Espinosa at Yap ay nasawi sa umano’y shootout sa CIDG Region 8 personnel nang ang dalawa ay iniulat na nagpaputok sa mga pulis na magsisilbi lang sana ng search warrant.
Tinangka ng CIDG na magsilbi ng isang search warrant para kay Espinosa kaugnay sa illegal possession of firearms, at para kay Yap, na may warrant dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa inisyal na ulat, narekober ng otoridad ang isang caliber Super .38 at isang magazine na may mga bala mula sa selda ni Espinosa’s cell, at isang caliber .45 at isang magazine na may bala sa selda ni Yap. Nakakuha din umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia kay Espinosa at kay Yap.