MANILA, Philippines - Walang natatanggap na report ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa anumang banta ng terorismo at kidnapping for ransom na maaring ilunsad ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa southern Cebu.
Inihayag ito kahapon ni PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos bilang reaksyon sa travel advisory na ipinalabas ng US Embassy sa kanilang mga mamamayan na mag-ingat sa posibleng tangka ng pangingidnap at paghahasik ng terorismo ng mga bandido sa Cebu.
Nagpalabas ng travel advisory kahapon ang US embassy sa kanilang mga citizens na iwasang magtungo sa southern Cebu partikular sa bayan ng Dalaguete at Santander kabilang ang Sumilon island dahil sa napaulat na plano ng terrorist group na kidnapping.
“US citizens should avoid travel to these areas and are reminded to review personal security plans; remain aware of their surroundings, including local events; and monitor local news stations for updates. Be vigilant and take appropriate steps to enhance your personal security,” nakasaad pa sa travel warning ng US embassy.
Binigyang diin ni Carlos, base sa kanilang intelligence report ay wala silang namomonitor na direktang target ang mga Amerikano ng anumang banta.
“There is no specific threat, wala po base sa aming report. Wala naman pong diretsang mga mamamayan ng USA ang target but we continually gather information, validate kung merong such threat,” ayon pa kay Carlos.
Idinagdag pa ni Carlos na maari aniyang naging basehan ng US travel advisory ang napaulat na presensya ng Abu Sayyaf sa Cebu na namonitor ng PNP na nagtungo at umikot sa lugar pero wala na doon sa kasalukuyan matapos na bumalik na sa Mindanao.
Tiniyak naman ni Carlos na sakaling magbalik ang Abu Sayyaf sa Mindanao ay nakahanda ang security forces ng pulisya at militar upang supilin ang posibleng masamang balakin ng mga bandidong grupo.