MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng dalawang linggo, mahigit sa 30 container vans na pinaghihinalaang may laman na mga smuggled goods, dalawang kilo ng cocaine, dalawang libong piraso ng ecstasy tablets, at ilang gramo ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Enforcement Group.
Kahapon ay nasabat sa Diosdado Macapagal International Airport sa Angeles City ang isang American national na galing sa Sao Paolo, Brazil bitbit ang dalawang kilo ng cocaine.
Ayon kay BOC enforcement Group Officer-in-charge Arnel Alcaraz nakatago sa compartment ng maleta ni Allan Soohoo ang cocaine. Ang droga ay sinasabing ‘preferred substance’ ng mga mayayamang drug dependents kaya mas mahal ito kumpara sa shabu.
Noong Biyernes naman, 30 container vans ang pinigil at pina-alerto ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos matunugan ng mga tauhan ng BOC Enforcement Group na posibleng laman nito ay mga kontrabando o misdeclared at undervalued items.
“The Duterte administration is in need of money and we are one of the revenue generating agencies of the government, therefore every peso counts in our tax collection efforts” pahayag pa ni Alcaraz.
Noong nagdaang Lunes nasabat din ng BOC ang mahigit sa dalawang libong ecstasy pills mula sa Germany. Ang nasabing kontrabando ay may street value na P4 million na ipinasok sa bansa sa pamamagitan ng isang parcel package.
“The BOC is the frontliner when it comes to the anti-drug campaign of the President in our borders, trabaho din namin harangin pagpasok pa lang o paglabas ng droga sa bansa”, dagdag pa ni Alcaraz.