MANILA, Philippines – Pumalag din sa mga pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte si Liberal Party standard bearer Mar Roxas, na tinawag na “kahayupan” ang mga naging salita ni Duterte. “Seryosong problema ang rape,” bungad ni Roxas. Hindi dapat ginagawang katatawanan ang isang insulto sa dignidad ng kababaihan. “Ang babae ay may karapatan, hindi pinaglalaruan. Hindi ito katatawanan, kahayupan ito,” sabi ni Roxas.
Bumuhos ang mga galit ng tao sa isang viral video ng isa sa mga talumpati ni Duterte, kung saan ikinuwento nito ang isang pagkakataong pinagalitan daw nito ang isang grupo ng kalalakihang nanggahasa sa isang Australyanang misyonaryo.
“Ang nagpasok sa isip ko, ni-rape nila, pinagpilahan nila dun,” kuwento nito. “Nagalit ako kasi ni-rape? Oo. Isa rin yun. Pero napakaganda. Dapat, ang mayor muna ang nauna. Sayang.” dagdag ni Duterte.
Libo na ang mga komentong dumagsa sa iba’t-ibang post sa social media. “Walang matinong tao ang nagbibiro tungkol sa rape, tungkol sa nilapastangan at ginahasang babae. Can you imagine yung nanay mo, kapatid mo, anak mo, asawa mo, girlfriend mo...ma-rape at may masabi na dapat siya ang naunang gumahasa, matutuwa ka ba?” bulalas ng isang Fernando R.
“Ang rape ay hindi nakakatawa. Yung kinahinatnan nung biktima ay hindi nakakatawa, kahit ano pang palusot mo dito,” sabi ng isang nagngangalang Donna.