MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian sa Department of Health (DOH) na tulungan nito ang mga private hospitals na makakuha rin ng testing kits sa Zika virus.
Ito ay kasunod ng ulat na nagkakaubusan na ng suplay ng testing kits matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) na banta ang Zika virus sa global health.
Una nang inanunsyo ni Health Secretary Janette Garin na mayroon lamang na 1,000 kits sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon kay Gatchalian, dahil mahirap bilhin ang test kits para sa Zika virus, dapat gumawa ng paraan ang DOH para makahanap ng ibang sources nito ang mga pribadong ospital.
Idinagdag pa ng kongresista na kailangang handa ang mas maraming ospital sakaling magkaroon ng kaso nito sa Pilipinas.
Ayon sa WHO ay nasa 28 bansa at territories sa buong mundo ang may aktibong Zika virus.
Simula noong Oktubre 2015 ay nasa 3,500 sanggol ang ipinanganak na may microcephaly.
Pinayuhan naman ni Gatchalian si Garin na subukang maghanap ng testing kit para sa Zika virus sa Brazil at Germany upang magamit ito ng mga private hospitals.
Nanawagan din ang NPC senatorial bet sa DOH na maglunsad ng malawakang impormasyon laban sa Zika virus at kung paano ito maiiwasan upang mawala ang takot ng publiko.
“The Korea Center for Disease Control and Prevention has started informing people travelling to Zika-hit regions about the virus though text. Nothing should stop the DOH from creating a similar information campaign,” giit ni Gatchalian.
Itinuturing ng DOH na Zika virus-free pa rin ang Pilipinas kahit nagkaroon ito ng ganitong kaso noong 2012 sa Cebu.