Presyo ng isda tumaas ng P10
MANILA, Philippines – Tumaas ng P10 ang presyo ng isda kada kilo sa mga pamilihan sa buong bansa partikular sa Metro Manila.
Ito ayon kay Director Asis Perez ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay bunga ng epekto ng patuloy na paglakas ng amihan sa bansa sa klima ng karagatan.
Anya, mahirap mangisda o makapanghuli ng isda sa laot ang mga mangingisda ngayon dahil sa malamig ang panahon sa dagat.
“Hindi naman magpapatuloy ang taas ng halaga ng isda na mula sa laot, mayroon namang pangpunan sa pangangailangan sa suplay ng isda na mula sa mga palaisdaan tulad ng bangus at tilapia,” pahayag ni Perez.
Sinabi pa ni Perez na sa karagatan ng Palawan nakukuha ang may mahigit 60 percent ng suplay ng isda na dinadala sa Metro Manila.
May dalawa hanggang tatlong araw anya nakakarating sa Metro Manila ang mga isda mula sa Palawan. Oras na magdatingan na ang mga isda mula Palawan ay malamang na mag-normalize na ang suplay ng isda sa mga pamilihan.
Kapag kakaunti anya ang suplay ng isda, dito nagkakaroon ng taas halaga pero kung maraming suplay ay hindi dapat kakitaan ng mataas na halaga ang mga panindang isda sa mga palengke.
- Latest