Sports lagyan ng kinatawan sa Gabinete - Rep. Villar

MANILA, Philippines – Isinusulong ni House Committee on Trade and Industry Chairman Mark Villar na magkaroon ng kinatawan sa gabinete ang larangan ng palakasan o sports sa bansa.

Ito ay matapos na mapalad na mapili ang Pilipinas na isa sa tatlong venues para sa International Basketball Federation (FIBA) para sa Olympic qualifying tournaments.

Ayon kay Villar, isang magandang oportunidad ito para suportahan ang mga atleta ng bansa.

Bukod dito, napapanahon na rin umano para i-review ang mga polisiya pagdating sa sports at palakasin ang mga manlalaro lalo na ang mga kabataan upang mahikayat na sumali sa sports sa loob o labas man ng bansa.

Idinagdag pa ng kongresista na magagamit ang sports para sa higit na pagpapaunlad sa bansa dahil sa lawak ng oportunidad na maaring pumasok.

Ilan din umano sa mga bansa ay gumagamit ng grass-roots sports-based approach lalo na ang mga kabataang may potensyal sa larangan ng sports para sa magandang edukasyon, trabaho, at iba pa.

Dahil dito kaya ini­rekomenda din ni Villar ang pagtatatag ng isang sistema kung saan ang pribadong sektor at ang gobyerno ay maaaring magtulungan upang ma-develop ang mga kasalukuyang programa sa sports sa national at local levels.

Sa pamamagitan umano nito ay makaka­tulong ito upang mailayo ang mga kabataan sa paggamit ng droga at mahimok ang mga ito na magkaroon ng balanse at malusog na pamumuhay.

 

Show comments