60-64 anyos senior citizens isama rin sa CCT - Binay
MANILA, Philippines – Nais ni Vice President Jejomar Binay na maisama sa Conditional Cash Transfer program ang mga senior citizen na may edad na mula 60 hanggang 64 anyos.
Sa kasalukuyan, yaon lang mga senior citizen na may edad na mula 65 anyos pataas ang kasama sa programa.
“Yong mga katulad kong senior citizens, alam ninyo ba na from age 60-64, hindi po kasama? Sixty ang simula ng senior citizen. Bakit po sila napuwera roon?” puna ni Binay sa isang panayam sa DYRD Bohol.
Idiniin ni Binay na kailangan ang dagdag na mga benepisyo sa matatanda dahil bumabagsak ang halaga ng pension dahil sa implasyon.
“Hanggang sa oras na nakukuha na nila ang pension nila, ang value ng peso pababa ng pababa. Kapag nagretiro na sila o pagkatapos ng 10-15 taon, wala na ‘yon dahil mababa na ang value ng piso,” ani Binay. “Isa hong dahilan ‘yan kung bakit ko naisip na bigyan ng traditional benefits ang mga senior citizens namin sa Makati.”
Iginiit ni Binay ang pagsasagawa ng reporma sa CCT program makaraang matuklasan ng Commission on Audit ang mga depekto sa listahan ng mga benepisyaryo, hindi mahusay na distribusyon, o underpayment, hindi pagsunod sa mga rekisitos at isyu ng beripikasyon.
“Mayroon lang po tayong dapat i-correct talaga rito. Dahil continuously, while laging sinasabi ni Secretary Dinky na na-liquidate niya, lagi pa rin pong lumalabas ‘yong unliquidated portion,” sabi pa ni Binay. “Ang dami pong naipasok diyan sa 4Ps na hindi qualified, mga kapartido, mga kamag-anak, etcetera.”
Nagtungo sa Bohol si Binay para makipag-usap sa mga grupong sektoral, lokal na lider at mga residente ng mga bayan ng Clarin, Inabanga, Danao, Sierra Bullones, at Carmen.
- Latest