Lahat ng sektor konsultahin sa bawas-pasahe - Leni
MANILA, Philippines – Pabor man sa pagbaba ng presyo ng pasahe, iginiit ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo na mas mahalaga pa ring makonsulta ang lahat ng sector na apektado nito.
“Parati tayong sang-ayon na bababaan ang pamasahe kasi alam ninyo, commuter ako. Linggu-linggo umuuwi ako sa amin, nag-bu-bus ako, sampung oras iyon na biyahe kaya bawat baba ng gasolina beneficial iyon sa atin,” wika ni Robredo.
Ayon sa kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur, hindi lang pasahero ang apektado sa pagtaas at pagbaba ng gasolina at pamasahe.
“Naaapektuhan din nito iyong mga driver at transport operation na kailangan ding isa-alang-alang ang kanilang hinaing,” paliwanag ni Robredo.
Gustuhin man niyang maging madalas ang pagbaba ng presyo ng pamasahe, mas mahalaga pa rin kay Robredo na marinig ang boses ng lahat, kabilang na ang mga tsuper at transport operators.
“Hindi natin mapapasaya lahat pero iyong pinakamahalaga sa kahit anong proseso ay pinakinggan talaga lahat para naisasa-alang-alang ang kapakanan ng bawat isa,” wika ni Robredo.
- Latest