MANILA, Philippines – Iisa na lamang ba ang natitirang tagapagsalita ni Pangulong Aquino at lumipat na ang iba kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas?
Ito ang tanong ng Malacañang reporters matapos hindi na mahagilap kahit sa text ang mga tagapagsalita ni Pangulong Aquino maliban kay Communications Sec. Sonny Coloma.
Halos hindi na makita ang ‘anino’ sa Palasyo nina Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Deputy Spokesperson Abigail Valte.
Sinabi ni Valte sa pamamagitan ng text sa PSN na ‘on leave’ na ito kaya hindi na ito nagrereport sa Office of the Presidential Spokesman.
Habang si Lacierda naman ay paminsan-minsan na lamang nakikita sa Malacañang gayung tuwing Lunes-Miyerkules ang toka nito upang magsagawa ng regular media briefing para sa Malacañang Press Corps.
“Paminsan-minsan na lamang sumagot sa mga text message si Sec. Lacierda at paminsan minsan na din ito magbigay ng briefing kaya halos si Sec. Coloma na lamang ang natatanong ng mga reporters,” wika ng isang Malacañang reporter.
May haka-haka na nasa Team Mar na sina Lacierda at Valte kaya hindi na ito nakikita sa Palasyo.