Hindi ako ang pinakamagastos sa TV ads – Binay
MANILA, Philippines – Itinanggi ni Bise Presidente Jejomar Binay na siya ang may pinakamalaking gastos sa TV advertisements kumpara sa iba pang tatakbong pangulo sa 2016.
Sinabi ni Binay na ang kaniyang mga kaibigan ang nagbabayad ng TV ads.
"I am not the top ad spender," pahayg ni Binay na tatakbong pangulo sa ilalim ng United Nationalist Alliance party.
Aniya mas malaki pa ang ginastos ng kaniyang mga kalaban ngunit hindi na niya sinabi kung sino ang may pinakamalaking inilabas na pera.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Nielsen Philippines na umabot na sa P596 milyon ang nagastos ni Binay sa TV ads mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30 ng nakaraang taon.
Pumangalawa naman si Sen. Grace Poe sa P488 milyon, habang pangatlo at pang-apat sina Liberal Party standard bearer Manuel "Mar" Roxas II at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa P425 milyon at P115 milyon, ayon sa pagkakasunod.
Kung pagsasamahin ay aabot sa halos P1.6 bilyon na ang ginastos ng apat na presidential candidate sa TV ads nitong 2015.
Samantala, ang katambal naman ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano ang pinakamagastos sa mga tatakbong bise presidente sa P398 milyon.
Umabot naman ng P103 milyon si Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kasunod sina Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa P92 milyon at Sen. Gregorio Honasan sa P44 milyon.
- Latest